Valdez masaya sa tagumpay sa PBB
MANILA, Philippines — Tagumpay ang kampanya ni volleyball star Alyssa Valdez sa Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 matapos mapasama sa Top 2 ng reality show.
Kasama ni Valdez sa Top 2 si Anji Salvacion.
Kaya naman bumuhos ang congratulatory message para sa Creamline Cool Smashers team captain nang lumabas ito sa Bahay ni Kuya.
Nakalikom si Valdez ng pinakamataas na boto na 22.63 percent — malayo sa 13.60 percent na nakuha ni Salvacion.
Tumanggap sina Valdez at Salvacion ng tig-P100,000 premyo.
Naging emosyonal si Valdez nang marinig ang mensahe nito mula sa kanyang ina.
“Thank you po and I miss you all. See you soon. I miss my family so much. Sila ang inspiration ko rin talaga sa loob. Sa lahat ng mga tinuro nila sa akin, hopefully nadala ko yun sa loob ng Bahay ni Kuya at nai-share ko yun sa mga hosemates,” ani Valdez.
Nagpasalamat si Valdez sa mga tagasuporta nito na walang sawang bumoto sa kanya para maabot ang Top 2 finish sa Celebrity Edition.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng tao na since Day 1 na patuloy na sumusuporta hindi lang sa amin pero sa lahat ng celebrity housemates ni kuya,” ani Valdez.
Nagbiro pa ito na sana naging proud ang kanyang mga kapamilya sa mga ginawa nito partikular na sa singing challenge.
- Latest