MANILA, Philippines — Ang premyong P750,000 ang pag-aagawan ng 10 koponang maglalaro sa kauna-unahang Grand Finals ng 2021 PBA 3x3 Lakas ng Tatlo First Conference ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Swak na sa quarterfinals ang top ranked at second leg winner Meralco kasama ang second-seeded at Leg 1 champion TNT Tropang Giga, third-seeded at Legs 5 at 6 titlist Limitless App at fourth-seeded Platinum Karaoke.
Dadaan naman sa preliminary round ang No. 5 Terrafirma, No. 6 at Leg 4 king Purefoods TJ Titans, No. 7 Pioneer Pro Tibay, No. 8 at Leg 3 ruler Sista Super Sealers, No. 9 San Miguel at No. 10 Barangay Ginebra.
Magsisimula ang mga aksyon sa ala-1 ng hapon kasunod ang mga knockout matches sa quarterfinals, semifinals at finals.
Ang Pool A ay binubuo ng Dyip, Super Sealers at Beermen habang nasa Pool B ang Titans, Pro Tibay at Gin Kings.
Ang top two teams sa bawat grupo ang makakasama sa Meralco, TNT, Limitless at Platinum sa knockout quarterfinals.
Ang runner-up ay tatanggap ng P250,000 at P100,000 ang makukuha ng third-placer.
Sina Alfred Batino, Dexter Maiquez, Joseph Sedurifa at Maclean Sabellina, pumalit kay injured Tonino Gonzaga, ang muling kakatawan sa Bolts ni coach Patrick Fran.
Sina Samboy de Leon, Almond Vosotros, Lervin Flores at Chris Javier ang babandera naman para sa Tropang Giga ni lady mentor Mau Belen.
“We’re very excited sa grand finals,” ani Belen. “We made sure we prepared well even during the holidays and mentally, we are ready to compete.”