E-Painters tinakasan TNT Tropang Giga balik na ang signal
MANILA, Philippines — Kaagad bumalikwas mula sa kabiguan ang TNT Tropang Giga para takasan ang Rain or Shine, 95-92, tampok ang paglalaro ni import Aaron Fuller sa 2021 PBA Governors Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kumolekta si rookie Mikey Williams ng 25 points, 6 rebounds at 5 assists para sa ikalawang panalo ng Tropang Giga sa apat na laro at maiwasang mahulog sa two-game losing skid.
Nagdagdag si Fuller, kumampanya para sa NLEX Road Warriors (2017 at 2018) at Blackwater Elite (2019), ng 13 markers at 10 boards bilang kapalit ni McKenzie Moore.
“The good thing was he is in pretty good shape,” sabi ni coach Chot Reyes kay Fuller na galing sa isang torneo sa Mexico.
Nalaglag ang Elasto Painters sa ikalawang sunod na kamalasan sa limang laro.
Bumangon ang Rain or Shine mula sa 79-92 pagkakabaon para makadikit sa 92-93 agwat sa huling 43.6 segundo galing sa magkahiwalay na triples nina Rey Nambatac at import Henry Walker.
Samantala, umiskor sina import Brandon Brown at Terrence Romeo ng tig-23 points para tulungan ang San Miguel sa 100-88 pagbangga sa Terrafirma sa unang laro.
Ito ang ikatlong sunod na ratsada ng Beermen para sa kanilang 3-2 baraha.
Nahulog naman ang Dyip, nakahugot kay Juami Tiongson ng 21 points, sa kanilang pangatlong dikit na kabiguan para sa 1-4 marka.
Ipinoste ng San Miguel ang 23-point lead, 86-62, mula sa free throw ni Perez sa 8:14 minuto ng fourth quarter galing sa 48-37 abante sa halftime.
Sa likod ng tatlong three-point shots ni Tiongson at tig-isa nina import Antonio Hester at Aldrech Ramos ay nakalapit ang Terrafirma sa 88-94 agwat sa huling 1:54 minuto.
Ngunit nagsanib-puwersa sina Romeo at Perez para ilayo ang Beermen sa 98-88 bentahe sa natitirang 24.2 segundo.
- Latest