Mavs dapa sa Bucks; Middleton bumida

Iniwanan ni Bucks forward Khris Middleton si Mavs forward Dorian Finney-Smith sa first half.
STAR/ File

DALLAS - Dumiretso ang nagdedepensang Milwaukee Bucks sa kanilang ikalawang sunod na panalo matapos pataubin ang Mavericks, 102-95, tampok ang 26 points ni Khris Middleton.

Ito ang pang-limang sunod na laro ng Bucks na wala si two-time MVP Giannis Antetokounmpo na kasalukuyang nasa health and safety protocols.

Nagdagdag si guard Jrue Holiday ng 24 points, 7 rebounds at 7 assists at kumolekta si center DeMarcus Cousins ng season-high 22 markers at 8

rebounds.

Isa naman si star guard Luka Doncic sa pitong players ng Ma­vericks (15-16) na nasa COVID-19 protocols.

Sa Phoenix, naghulog si Devin Booker ng 30 points at may 21 markers si Cam Johnson sa 113-101 pagpapasikat ng Suns (26-5) sa Oklahoma City Thunder (11-20) para sa kanilang pang-limang dikit na ratsada.

Sa Salt Lake City, humataw si Donovan Mitchell ng 28 points sa 128-116 paggupo ng Utah Jazz (22-9) sa Minnesota Timberwolves (15-17).

Sa Miami, tumipa si Tyler Herro ng 29 points habang may 26 markers si Max Strus sa 115-112 paglusot ng Heat (20-13) sa Detroit Pistons (5-26).

Sa Denver, bumangon ang Charlotte Hornets (17-17) mula sa 19-point deficit para agawin ang 115-107 tagumpay sa Nuggets (15-16).

Sa Philadelphia, humugot si Bogdan Bogdanovic ng 10 sa kanyang 15 points sa huling 3:44 minuto para igiya ang Atlanta Hawks (15-16) sa 98-96 pagtakas sa 76ers (16-16).

Sa New York, nalampasan ng Washington Wizards (17-15) ang hinataw na 44 points ni Kemba Walker para kunin ang 124-117 panalo sa New York Knicks (14-18).

Sa Orlando, nagtala si Brandon Ingram ng 31 points para banderahan ang New Orleans Pelicans (12-21) sa 110-104 pagdaig sa Magic (7-26).

Sa Indianapolis, humakot si Myles Turner ng 32 points at 10 rebounds sa 118-106 panalo ng Indiana Pacers (14-19) sa Houston Rockets (10-23).

Show comments