Negosasyon para sa Donaire-Inoue fight gumugulong na

Nonito Donaire Jr.
STAR / File

MANILA, Philippines — Gumugulong na ang negosasyon para sa inaabangang unification fight nina World Boxing Council (WBC) bantamweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire at World Boxing Association at International Boxing Fe­deration (IBF) bantamweight king Naoya Inoue.

Kinumpirma ito mismo ni Donaire kung saan nakikipag-usap na ang kampo nito sa grupo ng Japanese fighter.

Sa katunayan, naka­usap na ni promoter Richard Schaefer — ang humahawak kay Donaire — si Akihiko Honda na siya namang handler ni Inoue.

Target na maikasa ang blockbuster fight sa Marso sa susunod na taon.

“My promoter has spoken with Mr. Honda who represents Inoue and I’m hoping we can do a rematch in March,” ani Donaire.

Desidido si Donaire na makuha ang lahat ng belts sa bantamweight division.

At kung mananatili kay John Riel Casimero ang World Boxing Organization (WBO) bantamweight belt, handa si Donaire na makaharap ito para ma-unify ang lahat ng korona.

Parehong galing sa matagumpay na title defense sina Donaire at I­noue.

Show comments