MANILA, Philippines — Walang nabuhat na medalya sina Tokyo Olympics campaigner Elreen Ando at teenage sensation Va-nessa Sarno sa katatapos na 2021 World Weightlifting Championships sa Tashkent, Uzbekistan.
Tumapos si Ando, ang 2019 Southeast Asian Game silver medalist, sa pang-limang puwesto sa women’s 59 kilogram class matapos mabigo sa kanyang huling dalawang attempts.
Pang-lima rin ang 18-anyos na si Sarno, kumolekta ng dalawang gold at isang silver medal sa nakaraang 2021 Asian championships, sa women’s 71kg category.
Tumabla si Sarno kina Patricia Strenius ng Sweden at Olivia Reeves ng United States sa magkakatulad nilang total lift na 231 kgs.
Ngunit natalo ang Pinay pride sa tiebreaker at nahulog sa fifth place.
Tumapos naman sa pang-pito sa parehong weight category si 2019 SEA Games gold medal winner Kristel Macrohon sa kanyang total lift na 228kg.
Minalas rin sa kani-kanilang weight division sina Mary Flor Diaz (45kg), Eileen Rose Perez (49kg), Margaret Colonia (64kg), Fernando Agad (55kg), John Fabuar Ceniza (61kg), Dave Llo d Pacaldo (67kg) at John Dexter Tabique (96kg).
Sa kabila ng kabiguan ay kumpiyansa si weightlifting president Monico Puentevella na babaunin ng koponan ang kanilang eksperyensa sa pagsabak sa SEA Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo ng 2022.