PBA fans puwede na sa araneta coliseum
MANILA, Philippines — Muling bubuksan ng Philippine Basketball Association (PBA) ang kanilang pintuan para sa mga fans sa susunod na linggo.
Ito ay matapos bigyan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ng ‘go signal’ ang PBA para muling maglaro sa Smart Araneta Coliseum sa unang pagkakataon matapos ang 45th season opening noong Marso 8 ng 2020.
Sinabi ni PBA Commissioner Willie Marcial na maglalatag sila ng health and safety protocols para sa limitadong bilang ng mga fans na gustong manood ng mga laro sa Big Dome.
“So by Wednesday, maglalaro na tayo sa Araneta kasama ang mga fans,” wika ni Marcial. “Kailangan fully vaccinated ang mga fans at magdala ng government ID para papasukin kayo sa venue.”
Mahigpit ring ipapatupad ang physical distancing kung saan may inihanda nang two-seat apart arrangement.
Mula 3,000 hanggang 4,000 katao ang maaaring pumasok sa venue kasama ang 350 personnel ng 12 PBA teams at players, PBA staff at mga miyembro ng TV crew.
Ayon kay Marcial, ang lahat ng laro ng PBA Governors Cup simula sa Miyerkules hanggang sa katapusan ng buwan ay gagawin sa Smart Araneta Coliseum kasama ang Leg 6 at Grand Finals ng 3x3 Lakas Ng Tatlo tournament.
May inihahanda ring dalawang laro sa Christmas Day at isa pang double header sa Disyembre 26.
Kasalukuyang inilalaro ang Governors Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
- Latest