Isa Molde lumipat sa Choco Mucho
MANILA, Philippines — Putok na putok na sa social media ang paglipat ni dating University of the Philippines outside hitter Isa Molde sa Choco Mucho para sa susunod na kumperensiya ng Premier Volleyball League (PVL).
Matatapos na ang kontrata ni Molde sa PLDT Home Fibr kaya’t inaasahang pormal nang iaanunsiyo ng Choco Mucho management ang pagpasok nito sa mga susunod na araw.
Hindi nagpartisipa ang Choco Mucho sa Champions League sa Lipa City, Batangas dahil sa injuries ng ilang players nito kabilang na si middle blocker Maddie Madayag na nagtamo ng ACL noong PVL Open Conference sa Bacarra, Ilocos Norte.
Ngunit habang nasa off-season, nagpapalakas ng lineup ang Flying Titans dahil desidido ito sa malakas na pagbabalik sa PVL second conference na target masimulan sa Pebrero o Marso.
Kaya naman malaki ang maitutulong ni Molde sa kampanya ng Choco Mucho.
Isa si Molde sa mga top scorers ng Power Hitters sa Open Conference.
Maliban sa PLDT Home Fibr, nakapaglaro na rin si Molde sa iba pang clubs gaya ng Foton at Motolite.
Makakasama ni Molde sa wing position sina Ateneo de Manila University standout Ponggay Gaston, at NCAA MVP awardees Regine Arocha at Necole Ebuen na parehong produkto ng Arellano University.
Nauna nang hinugot ng Choco Mucho sina veteran setter Jem Ferrer at middle blocker Chery Nunag.
- Latest