Champions League semis papalo ngayon

John Vic De Guzman.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Kasado na ang bakbakan sa semifinals kung saan apat na koponan ang tatarget na masikwat ang dalawang tiket sa finals sa Champions League nga­yong araw sa Aquamarine Recreational Center sa Lipa City, Batangas.

Unang maghaharap ang Philippine Air Force at Global Remit sa ala-1:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng Team Dasmariñas at VNS Manileño Spikers sa alas-4 ng hapon.

Nakasentro ang atensiyon ng lahat sa Air Force na karamihan ay miyembro ng national team kabilang na sina middle blockers Kim Malabunga at Francis Saura, oustdie hitter Mark Alfafara at national team captain John Vic De Guzman.

Kasama pa ng tropa si veteran playmaker Jessie Lopez at seasoned libero Ricky Marcos.

Mapapalaban ang Air Force sa Global Remit na binubuo naman ng mga dating Ateneo de Manila University players.

Kukuha ng lakas ang Global Remit kina Joshua Villanueva, Joeven Dela Vega at Bonjomar Castel habang mamanduhan ni dating UAAP Best Setter awardee Ish Polvorosa ang setting department ng tropa.

Sa kabilang banda, matikas na tinapos ng Dasmarinas ang group stage tangan ang malinis na 3-0 rekord.

Sariwa pa ito sa 25-20, 25-21, 25-23 demolisyon sa Sabong International Spikers sa huling araw ng eliminasyon.

Magsisilbing lider ng Dasmarinas si National University standout Madz­lan Gampong kasama sina Mark Caledo, Jayve Sumagaysay at Manuel Andrei Medina.

Inaasahang lalaban ang Manileño Spikers na siyang nagpahirap sa Air Force sa kanilang unang pagtatagpo sa opening day ng liga.

Show comments