Mitchell bumida sa panalo ng Jazz

Nakalusot si star guard Donovan Mitchell ng Jazz kay Anfernee Simons ng Blazers
STAR/ File

SALT LAKE CITY, Philippines — Humataw si star guard Donovan Mitchell ng 30 points sa 129-107 dominasyon ng Utah Jazz sa Portland Trail Blazers para sa kanilang ikalawang sunod na panalo.

Nanatili ang Jazz (14-7) sa No. 3 seat sa Western Conference sa ilalim ng NBA-leading Golden State Warriors (18-2) at Phoenix Suns (17-3).

Ang mga floaters, layups at dunks ni Mitchell ang nagbigay sa Utah ng 21-point lead  habang ang kanyang 6-foot tear-drop ang nagbaon sa Portland sa 85-64 sa huling 4:03 minuto ng third quarter.

Humakot si Rudy Go­bert ng 21 points at 16 rebounds para sa Jazz habang nagdagdag si Fil-Am Jordan Clarkson ng 22 markers.

Umiskor sina Anfernee Simons at Jusuf Nurkic ng tig-24 points sa panig ng Trail Blazers (10-11).

Sa Chicago, kumolekta si big man Nikola Vucevic ng season-best 30 points at 14 rebounds para igiya ang Bulls (14-8) sa 133-119 paggupo sa Charlotte Hornets (13-10) at solohin ang No. 2 spot sa Eastern Conference.

Nagsalpak ang 6-foot-10 center ng perpektong 6-for-6 shooting sa three-point range para sa Chicago.

Sa Miami, umiskor si center Nikola Jokic ng 24 points at may 20 markers si Aaron Gordon sa 120-111 pagdaig ng Denver Nuggets (10-10) sa Heat (13-8).

Sa Los Angeles, humugot si Jonas Valanciunas ng 29 sa kanyang career-high 39 points sa first half sa 123-104 paggupo ng New Orleans Pelicans (6-17) sa Clippers (11-10).

Sa Philadelphia, nag­lista si Seth Curry ng 24 points at may 17 markers si Tobias Harris sa 101-96 pagdaig ng 76ers (11-10) sa Orlando Magic (4-18).

Sa iba pang laro, wagi ang San Antonio Spurs sa Washington Wizards, 116-99 at dinaig ng Houston Rockets ang Oklahoma City Thunder, 102-89.

Show comments