EJ ‘di aatras sa laban
MANILA, Philippines — Kumuha na si national pole vaulter Ernest John Obiena ng isang legal counsel sa pagharap sa isyung ibinabato sa kanya ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Si Atty. Alex Avisado ng Gana Tan Atienza Avisado Law Offices ang kakatawan kay Obiena kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon ng PATAFA at Philippine Olympic Committee (POC) sa sinasabing dinoktor niyang liquidation report sa suweldo ni Ukrainian coach Vitaly Petrov.
“Today, I have officially engaged Atty. Alex Avisado and the Gana Tan Atienza Avisado Law Offices as my legal counsel to represent me in all current and future investigations including the filing of any possible and appropriate civil, criminal, and administrative actions,” ani Obiena sa kanyang Facebook post.
Kasalukuyang nasa training camp sa Formia, Italy si Obiena kasama si Petrov.
Ipinasosoli ni PATAFA president Philip Ella Juico kay Obiena ang coaching salary ni Petrov na nagkakahalaga ng 85,000 euros (higit sa P4.8 milyon) simula noong Mayo ng 2018 hanggang Agosto ng 2021.
Ayon sa 2019 Southeast Asian Games at Asian record-holder, regular niyang nababayaran ang suweldo ng 83-anyos na si Petrov.
Dinepensahan naman si Obiena ng kanyang trainer at adviser na si James Lafferty sa nasabing alegasyon ng PATAFA.
Si Lafferty ang nagbunyag na may mga bansang interesado sa 6-foot-2 Pinoy pole vaulter sakaling hubarin nito ang uniporme ng Pilipinas dahil sa isyu sa PATAFA.
Sina Lafferty at Atty. Bobbet Bruce ang magiging official spokespersons ni Obiena sa Maynila.
- Latest