Mylene Paat lalaro sa Thailand
MANILA, Philippines — Nadagdagan na naman ang mga Pilipinong volleyball player na maglalaro bilang import sa international league sa ngalan ni Mylene Paat na lalaro sa Nakhon Ratchasima volleyball team para sa Women’s Volleyball Thailand League.
Masisilayan sa kauna-unahang pagkakataon bilang import si Paat upang mapasama sa listahan ng mga Pinay volleybelles na lumaro sa ibang bansa.
Inaasahang dadalhin ni Paat ang mga karanasang nakuha nito sa Philippine Superliga at Premier Volleyball League.
Matatandaang bahagi si Paat ng Chery Tiggo na nagkampeon sa PVL Open Conference noong Agosto sa Bacarra, ilocos Norte, at sa runner-up finish sa katatapos na Champions League sa Lipa, Batangas.
Si Paat ang ikaapat na pure Pinay volleyball player na maglalaro bilang import sa international club.
Kasalukuyang nagla-laro sa Japan V.League si Jaja Santiago kasama ang Ageo Medics habang naging import na rin si Dindin Santiago-Manabat sa naturang liga kasama ang Toray.
Naglaro naman sa commercial league si Alyssa Valdez sa Thailand at Taiwan.
Nakuha ni Paat ang atensiyon ng Thai club nang maglaro ito sa international tournaments kasama ang national team kabilang ang katatapos na 2021 Asian Women’s Club Volleyball Championship.
- Latest