MANILA, Philippines — Iginupo ng five-time Philippine Superliga champion F2 Logistics ang Tuguegarao Perlas Spikers, 25-18, 25-18, 25-19, upang makalapit sa inaasam na kampeonato sa Champions League na idinadaos sa Aquamarine Recreation Center sa Lipa, Batangas.
Nanatiling walang bahid ang rekord ng Cargo Movers tangan ang imakuladang 5-0 marka kung saan isang panalo na lamang ang kailangan nito para makuha ang korona.
Desidido ang F2 Logistics na makuha ang titulo nang ilabas nito ang bagsik sa pangunguna nina Aby Maraño, Majoy Baron, Kim Kianna Dy at plamaker Iris Tolenada.
Susubukan ng Cargo Movers na masungkit ang korona sa pagharap sa reigning Premier Volleyball League (PVL) champion Chery Tiggo bukas sa alas-4 ng hapon.
Nagkaroon ng sapat na pahinga si FIlipino-American Kalei Mau laban sa Perlas Spikers dahil inaasahang raratsada ito ng husto kontra sa Crossovers sa oras na magkrus ang kanilang landas.
Nahulog ang Perlas Spikers sa 2-2 marka.
Sa unang laro, nakatikim ng unang panalo ang California Precision Sports nang pataubin ang Baguio Lady Highlanders, 25-14, 23-25, 25-11, 25-12.
Nagparamdam ng husto si Casiey Dongallo na bumanat ng 25 puntos at pitong digs para dalhin ang kanilang tropa sa 1-3 rekord.
Wala pa ring panalo ang Lady Highlanders sa apat na pagsalang.