Parks, Ramos nagsipagpanalo
MANILA, Philippines — Umiskor ng panalo ang mga tropa nina Bobby Ray Parks, Jr. at Dwight Ramos, ngunit minalas naman ang mga koponan ng magkapatid na Kiefer at Thirdy Ravena at ni Kobe Paras sa Japan B.League 2021-2022 season.
Tumapos si Parks na may 7 points, 3 rebounds at 2 assists sa 82-76 pananaig ng Nagoya Diamond Dolphins (7-5) laban sa Hiroshima Dragonflies (7-5) kamakalawa sa Park Arena Komaki.
Ito ang ikalawang sunod na ratsada ng Dolphins na kinuha ang 77-69 abante sa Dragonflies sa huling 1:44 minuto ng fourth quarter tampok ang dunk ni Scott Eatherton.
Nag-ambag naman si Ramos ng 7 markers at 2 boards sa 94-80 pagdomina ng Toyama Grouses (2-10) sa Kyoto Hannaryz (2-10) para tapusin ang kanilang two-game losing skid sa Kyoto City Gymnasium.
Yumukod naman si Kiefer at ang Shiga Lakestars (6-6) laban sa Shimane Susanoo Magic (9-3) sa iskor na 94-102 sa Ukaruchan Arena.
Naglista si Ravena ng 14 points, 6 assists, 2 rebounds at 2 steals sa panig ng Lakestars.
Kabiguan din ang natikman ni Thirdy at ng San-en NeoPhoenix (3-9) matapos ang 79-92 pagkatalo laban sa Shinshu Brave Warriors (7-5).
- Latest