DETROIT - Nagrehistro si Kevin Durant ng 29 points at 10 rebounds at tumapos si James Harden na may triple-double sa 96-90 panalo ng Brooklyn Nets laban sa Pistons.
Ito ang ikaapat na sunod na ratsada ng Brooklyn (6-3) na nakahugot kay Harden ng 15 points, 10 rebounds at 10 assists.
Pinamunuan ni Cade Cunningham ang Detroit (1-8) sa kanyang 17 points.
Nakadikit ang Pistons sa 86-88 sa huling tatlong minuto ng fourth quarter mula sa 62-78 pagkakabaon bago bumida si Durant para muling ilayo ang Nets sa 94-89 sa nalalabing 12.9 segundo.
Sa Milwaukee, humakot si Julius Randle ng 32 points at 12 rebounds at binura ng New York Knicks (6-3) ang 21-point deficit para kunin ang 113-98 panalo sa nagdedepensang Bucks (4-5).
Sa Minneapolis, nagsalansan si Paul George ng 21 points at 11 rebounds para sa 104-84 pagbugbog ng Los Angeles Clippers (4-4) sa Minnesota Timberwolves (3-5).
Sa iba pang laro, tinalo ng Golden State Warriors ang New Orleans Pelicans, 126-85; dinaig ng San Antonio Spurs ang Orlando Magic, 102-89; pinadapa ng Washington Wizards ang Memphis Grizzlies, 115-87; binigo ng Cleveland Cavaliers ang Toronto Raptors, 102-101 at wagi ang Portland Trail Blazers sa Indiana Pacers, 110-106.