Rockets sabog sa Lakers

Dinepensahan ni Lakers forward Carmelo Anthony si Rockets guard Eric Gordon.

LOS ANGELES — Umiskor si Carmelo Anthony ng 23 points at may 20 markers, 9 assists at 8 rebounds si Russell Westbrook sa 95-85 pagpapatumba ng Lakers sa Houston Rockets.

Kumonekta ang 19-year NBA veteran na si Anthony ng limang three-point shots bukod sa career high na apat na blocked shots para sa Lakers (4-3) na binuksan ang season sa 0-2.

Nagdagdag si Anthony Davis ng 16 points at 13 rebounds habang may 15 markers si LeBron James.

Pinamunuan ni Eric Gordon ang Rockets (1-5) sa kanyang 17 points kasunod ang 16 markers ni Christian Wood.

Sa New York, kumolek­ta si James Harden ng triple-double na 18 points, 10 rebounds at 12 assists sa 117-91 pagrapido ng Brooklyn Nets (4-3) sa Detroit Pistons (1-5).

Si Harden ang all-time leader ngayon ng Nets (4-3) sa kanyang 13 triple-doubles at nakatabla si legend Larry Bird para sa second spot sa NBA all-time list para sa kanilang tig-59.

Kumamada si Kevin Durant ng 23 points bago napatalsik sa third quarter.

Sa Milwaukee, kumamada si Donovan Mitchell ng 28 points para igiya ang Utah Jazz (5-1) sa 107-95 panalo sa nagdedepensang Bucks (3-4).

Sa Charlotte, nagtala si LaMelo Ball ng 27 points, 9 rebounds at 7 assists  sa 125-113 paggupo ng Hornets (5-2) sa Portland Trail Blazers (3-3).

Show comments