P750k ibibigay ng PSC kay Yulo
MANILA, Philippines — Kagaya noong 2019, muling binigyan ng Philippine Sports Commission (PSC) ng espesyal na cash incentives si 2021 World Artistic Gymnastics Championships gold medalist Caloy Yulo.
Inaprubahan kahapon ng PSC Board ang insentibong P500,000 para sa gold at P250,000 para sa silver medal na nakuha ni Yulo sa nakaraang world championships sa Kitakyushu, Japan.
Inangkin ng 21-anyos na Batang Maynila ang gintong medalya sa men’s vault habang nakuntento siya sa pilak sa parallel bars.
Hindi kasama ang taunang world championships na sinasalihan ni Yulo sa mga kondisyon na nakasaad sa Republic Act No. 10699 o ng National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.
“He has bounced back and showed us all that he is still our world champion in gymnastics,” wika ni PSC chairman William “Butch” Ramirez kay Yulo na nag-uwi ng gold medal sa floor exercise ng world championships noong 2019 sa Stuttgart, Germany.
Sa nasabing tagumpay ay binigyan ng PSC si Yulo ng insentibong P500,000 para sa gold at dagdag na P500,000 sa pag-angkin niya ng tiket para sa nakaraang 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
- Latest