SMB vs tnt sa huling finals berth

Inilusot ni SMB guard Terrence Romeo ang kanyang layup laban kay TNT big man Dave Marcel sa Game 6 ng kanilang semis series.
PBA Image

Laglagan!

MANILA, Philippines — Mas pisikal, mas emos­yunal at tiyak na dadanak ang dugo.

Ito ang inaasahang mangyayari sa pinakahu­ling duwelo ng TNT Tropang Giga at San Miguel sa semifinals series ng 2021 PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.

Pag-aagawan ng Tropang Giga at Beermen ang ikalawang championship seat ngayong alas-4:35 ng hapon sa Game Seven ng kanilang semis showdown kung saan ang mananalo ang sasagupa sa finalist na Magnolia Hotshots.

Umabante ang Magnolia sa best-of-seven championship series matapos sibakin ang Meralco, 93-85, sa Game Six ng kanilang se­mis wars noong Biyer­nes.

Itinabla naman ng San Miguel sa 3-3 ang kanilang bakbakan ng TNT nang angkinin ang 103-90 pa­nalo para makapuwersa ng ‘do-or-die’ game.

“If you notice since the start of the conference up to the series with TNT, we beat them, they beat us, we beat them, and they beat us. Kami rin naman nagtataka (bakit ganoon),” sabi ni Beermen coach Leo Austria sa salpukan nila ng Tropang Texters.

Nauna nang tinalo ng TNT ang San Miguel sa Game Five, 110-90, para kunin ang 3-2 lead sa serye.

Sa kanilang panalo sa Game Six ay humataw si big man Moala Tautuaa ng 24 points habang kumo­lekta si Marcio Lassiter ng 19 points, 5 rebounds, 4 steals at 3 assists.

Nagdeklara na si Lassiter ng giyera.

“It’s going to be a war out there,” wika ng Fil-American outside shooter.

Sina Tautuaa, Lassiter, six-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Terrence Romeo at Arwind Santos ang muling sasandalan ng Beermen laban kina Jayson Castro, RR Pogoy, Troy Rosario, Poy Erram at rookie Mikey Williams ng Tropang Giga.

Show comments