Hotshots swak sa finals

Inatake ni Ian Sangalang ng Magnolia si Meralco center Raymond Almazan sa Game 6 ng semis series.
PBA Image

SMBeer humirit ng Do-or-die

MANILA, Philippines — Tuluyan nang umabante ang Magnolia sa PBA Finals at naitakda naman ng San Miguel ang kanilang ‘do-or-die’ Game Seven ng TNT Tropang Giga.

Iniligpit ng Hotshots ang Meralco Bolts, 93-85, sa Game Six para itiklop ang kanilang semifinals series papasok sa PBA Finals ng 2021 Philippine Cup kahapon sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.

Humataw si Ian Sangalang ng 19 points, 14 rebounds at 6 assists para tulungan ang Magnolia na sibakin ang Meralco, 4-2, sa kanilang best-of-seven semis wars patungo sa ika-31 PBA Finals appea­rance.

Sa unang laro, kumamada si Moala Tautuaa ng team-high na 24 points para igiya ang Beermen sa 103-90 pagresbak sa Tropang Giga at itabla sa 3-3 ang semis duel nila.

Nagdagdag ng tig-16 markers nina Mark Barroca at Rome dela Rosa at may tig-11 points sina Calvin Abueva at Jio Jalalon sa pagdispatsa ng Hotshots sa Bolts.

“We faced the No. 2 team at talagang grabe ang effort na ibinigay ng Meralco,” sabi ni Magnolia coach Chito Victolero. “Grabe rin ang effort na ibinigay namin sa series na ito.”

Lumayo ang Hotshots sa 89-80 sa huling 1:34 minuto ng fourth quarter matapos makadikit ang Bolts sa 77-83.

Samantala, nag-ambag si Marcio Lassiter ng 19 markers, 5 rebounds, 4 steals at 3 assists para sa pagbawi ng San Miguel sa TNT na kinuha ang 110-90 panalo sa Game Five noong Miyerkules.

Kinuha ng San Miguel ang 61-38 bentahe sa pagsisimula ng third period hanggang makalapit ang TNT sa 88-98 agwat sa huling 2:44 minuto ng fourth quarter.

Ang pang-lima at huling triple ni Lassiter ang muling naglayo sa Beermen sa Tropang Giga sa 101-88 sa huling 2:09 minuto.

Pinamunuan nina Jayson Castro at Ryan Reyes ang TNT sa kanilang tig-16 points.

Show comments