Racela bagong coach ng Adamson

Nash Racela
PBA Media Bureau

MANILA, Philippines — Tutulak si dating Blackwater head coach Nash Racela sa pugad ng A­damson University upang palakasin ang basketball program ng tropa para sa UAAP Season 84.

Usap-usapan na sa social media ang pagdapo ni Racela sa Soaring Falcons matapos itong kumalas sa Blackwater Elite kamakailan.

Inaasahang pormal nang ihahayag ng pamu­nuan ng Adamson ang pagpasok ni Racela sa koponan sa oras na makumpleto ang pag-uusap ng magkabilang kampo.

Papalitan ni Racela si dating mentor Franz Pumaren na nagpasyang lisanin ang tropa upang pagtuunan ang kanyang buhay pulitika.

Hindi naman na bago si Racela sa collegiate basketball. Nagsilbi itong coach ng San Beda University noong 2004-2005 season sa NCAA.

Naging head coach din ito ng Far Eastern University noong 2012 hanggang 2016.

Dinala nito ang Tama­raws sa kampeonato noong 2015 kung saan tinalo ng FEU ang University of Santo Tomas sa best-of-three championship series sa iskor na 2-1.

Maliban sa collegiate coaching, naging bahagi na rin si Racela ng ilang teams sa commercial leagues at national team.

Naging head coach din ito ng Talk ’N Text Ka­Tropa noong 2016 hanggang 2018 at ng national team na naghari  sa SEABA Cup noong 2016.

Show comments