Meralco may liwanag pa

Palobong tira ang ginawa ni Allein Maliksi ng Meralco para iwasan ang supalpal ni Rafi Reavis ng Magnolia sa Game 5 ng kanilang semis series.
STAR/ File

Pinigil ang Hotshots

MANILA, Philippines — Wala pang plano ang Meralco na magbakasyon.

Diniskaril ng Bolts ang hangarin ng Magnolia Hotshots nang angkinin ang 102-98 panalo sa Game Five ng kanilang semifinals series sa 2021 PBA Philippine Cup kahapon sa Don Honorio Ventura State University Gym sa Bacolor, Pampanga.

Humataw si Allein Maliksi ng 29 points tampok ang 7-of-8 shooting sa three-point line para ilapit ang Meralco sa 2-3 agwat sa kanilang best-of-seven semis duel ng Magnolia.

Pinigilan ng Bolts ang pag-entra ng Hotshots sa PBA Finals para itakda ang kanilang Game Six bukas.

“I think I need to find a way to create offense para sa team ko,” wika ni Maliksi na nagsalpak ng dalawang krusyal na triples sa dulo ng fourth quarter. “Binabasa ko na lang (ang depensa) and sometimes gumagawa na lang ako ng diskarte para ma-open ako.”

Nag-ambag si Nards Pinto ng career-high na 24 markers at kumolekta si Chris Newsome ng 23 points, 6 assists at 5 rebounds para sa Meralco.

Sa ikalawang laro, lumapit ang TNT Tropang Giga sa PBA Finals matapos ang 110-90 pagmasaker sa San Miguel sa Game Five para kunin ang 3-2 lead sa kanilang serye.

Umiskor si Jayson Castro ng 19 points para sa Tropang Giga  habang may tig-18, 17 at 12 mar­kers sina RR Pogoy, rookie Mikey Williams, Troy Rosario at Kelly Williams, ayon sa pagkakasunod.

Show comments