MANILA, Philippines — Nabangasan na naman ng isang key player ang BaliPure Purest Water Defenders matapos magtawid-bakod si ace playmaker Alina Bicar sa PetroGazz Angels.
Pormal nang inihayag ng Gazz Angels ang pagpasok ng dating University of Santo Tomas setter sa kanilang kampo upang palakasin pa ang lineup nito para sa susunod na kumperensiya ng Premier Volleyball League (PVL).
Isa si Bicar sa mga naasahan ng Water Defenders sa nakalipas na PVL Open Conference sa Bacarra, Ilocos Norte.
Kaya naman malaking kawalan ito para sa BaliPure lalo pa’t una nang lumayas si outside hitter at top scorer Graze Bombita na nagpasyang lumipat sa Cignal HD Spikers.
Matatandaang isa ang BaliPure sa mga gumulantang sa Open Conference champion Chery Tiggo sa eliminasyon ng Open Conference sa bendisyon ng pukpukang 19-25, 25-19, 13-25, 27-25, 15-12 panalo.
Nanguna sa naturang panalo si Bombita na nagtala ng 24 puntos habang gumawa si Bicar ng 24 excellent sets kasama pa ang pitong hits.
Maliban sa BaliPure, naglaro rin si Alina para sa Pacific Town-Army noong 2019.
Makakasama ni Bicar sa setting department ng Gazz Angels sina veteran setter Chie Saet at reserve playmaker Ivy Perez habang nakaabang na ang mga spikers na sina Myla Pablo, Ces Molina, Rem Palma, Grethcel Soltones at Riri Meneses.
Nagtapos ang Gazz Angels sa ikatlong puwesto sa Open Conference. .