MANILA, Philippines — Tuluyan nang nasibak sa kontensiyon ang men’s national volleyball team matapos lumasap ng sunud-sunod na kabiguan sa 2021 Asian Men’s Club Volleyball Championship na ginaganap sa Terminal 21 Hall sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Nagtamo ng ikatlong dikit na pagyuko ang Pinoy Spikers kung saan umani ito ng 19-25, 15-25, 19-25 desisyon sa kamay ng Al Arabi-Qatar noong Linggo ng gabi.
Sa kabila ng kabiguan, lumulutang ang laro ng ilang players ng national team partikular na si University of Santo Tomas (UST) outside hitter Jao Umandal.
Pinunan ni Umandal ang nabakanteng puwesto nina Bryan Bagunas at Marck Espejo sa wing side subalit hindi pa rin ito sapat matapos mabigong makakuha ng solidong suporta mula sa ibang miyembro ng koponan.
Nagtala si Umandal ng 17 puntos sa laban ng Pilipinas sa Qatar.
Dahil sa kabiguan ng Pinoy Spikers, wala nang bearing ang huling laban nito sa eliminasyon kontra sa Diamond Food.
Nasa ilalim ng standings ang Pinoy Spikers sa five-team Pool B.
Sasagupain ng Pilipinas ang fifth-place sa Pool B sa Oktubre 13 sa alas-4:30 ng hapon.