MANILA, Philippines — Balik Pilipinas na si Filipino-American Kalei Mau kasama ang women’s national team na sumabak sa 21st Asian Women’s Club Championships na ginanap sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Ito ang unang pagkakataon na nakabalik sa bansa si Mau matapos pumutok ang pandemya noong nakaraang taon.
Kaya naman excited na ang 6-foot-2 outside hitter na makasama ang mga kaibigan nito sa Pilipinas.
“I’m with the national team still. We are headed back to the Philippines. Yes, I’m headed back to Manila, haven’t been there for two years so I’m really excited to be back. I’m just ready to keep competing until the end of the year,” ani Mau sa kanyang Instagram.
Sasailalim muna si Mau kasama ang buong delegasyon ng women’s national volleyball team sa mandatory 10-day quarantine period sa isang hotel.
Binanderahan ni Mau ang Choco Mucho sa sixth-place finish sa asian meet habang nagtapos naman sa ikapito ang Rebisco na binubuo ng mga bagitong players.
Dahil sa matikas na paglalaro, may alok na natanggap si Mau para masilayan sa aksyon sa Turkish Women’s Volleyball League sa Istanbul.
Subalit wala pang pinal na desisyon si Mau.
Nangako rin si Mau na handa itong maglaro para sa national team sa mga susunod na international tournaments na lalahukan ng Pinay Spikers.
Partikular na ang 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa susunod na taon sa Hanoi, Vietnam.
Papalo rin sa 2022 ang Asian Games sa Hangzhou, China.