Semis target ng TNT, Meralco

Si super rookie Mikey Williams ang muling aasahan ng TNT laban sa Ginebra.

MANILA, Philippines — Hangga’t maaari ay ayaw nang sayangin ng TNT Tropang Giga at Meralco ang tsansang makapasok sa semifinal round.

Bilang No. 1 at No. 2 teams, magdadala ang Tropang Giga at Bolts ng ‘twice-to-beat’ advantage sa pagharap sa No. 8 Ginebra Gin Kings at No. 7 NLEX Road Warriors.

Kaya isang panalo lang ang kailangan ng TNT laban sa Ginebra at ng Meralco kontra sa NLEX para umabante sa best-of-seven semifinals series.

Magtutuos ang Tropang Giga at Gin Kings ngayong alas-6 ng gabi at magtatapat ang Bolts at Road Warriors sa alas-3 ng hapon sa quarterfinals ng 2021 PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University gym sa Bacolor, Pampanga.

Binanderahan ng TNT ni coach Chot Reyes ang eliminasyon sa kanilang 10-1 record habang kinailangan ng Ginebra na sibakin ang Phoenix, 95-85, sa playoff para makamit ang No. 8 spot noong Sabado.

“Pagdating mo ng playoffs zero-zero na ulit iyon. Kumbaga, mag-ready na lang ulit kami,” sabi ni Gin Kings forward Prince Caperal na umiskor ng conference-high 19 points sa pagdaig nila sa Fuel Masters.

Bukod kay Caperal, muli ring aasahan ni coach Tim Cone sina Stanley Pringle, Christian Standhardinger at LA Tenorio laban kina rookie Mikey Williams, Jayson Castro, RR Pogoy, Troy Rosario at Kelly Williams ng Tropang Giga.

Ang mananaig sa TNT at Ginebra ang lalaban sa mananalo sa No. 4 San Miguel at No. 5 NorthPort at haharapin ng Meralco-NLEX winner ang papalarin sa No. 3 Magnolia at No. 6 Rain or Shine.

Samantala, dinala ng Blackwater si guard Simon Enciso sa Terrafirma para makuha si Rashawn McCarthy sa isang one-on-one trade.

Show comments