Kobe Paras sinorpresa ng B.League team
MANILA, Philippines — Binigyan si Kobe Paras ng birthday celebration ng kanyang Japan B.League Division I team na Niigata Albirex BB sa training camp nito sa Japan.
Noong Setyembre 19 pa ang birthday ni Paras.
Subalit hindi ito nagkaroon ng pagkakataon para magdiwang ng kanyang ika-24 kaarawan.
Kaya naman sinorpresa ng Niigata Albirex BB ang Pinoy cager sa kanilang ensayo sa pamamagitan ng isang cake na may ilang pirasong kandila.
Kumanta ng happy birthday song ang lahat ng miyembro ng Niigata Albirex BB kasama rin ang mga staff, coaches at officials para batiin si Paras sa kanyang kaarawan.
“Happy birthday Kobe Paras. He turned into 24 year old, while his quarantine, so we celebrated him today after his first practice. We hope you will have great year,” ayon sa mensahe ng Niigata Albirex BB sa kanilang social media account.
Masaya si Paras dahil welcome na welcome ito sa kanyang bagong team na magsisilbi nitong pamilya sa buong season ng Japan B.League.
Nagpasalamat din ito sa mainit na pagtanggap sa kanya ng Niigata Albirex BB.
Isa lamang si Paras sa walong Pinoy players na maglalaro sa Japan B.League.
Maglalaro rin sa B.League sina Thirdy Ravena (San-En NeoPhoenix), Kiefer Ravena (Shiga Lakestars), Juan Gomez de Liaño (Earthfriends Tokyo Z), Bobby Ray Parks Jr. (Nagoya Diamond Dolphins), Javi Gomez de Liaño (Ibaraki Robots) at Kemark Carino (Aomori Wat’s) at Dwight Ramos (Toyama Grouses).
- Latest