Obiena target ang Asian Games record
MANILA, Philippines — Sunod na tatargetin ni Tokyo Olympics veteran EJ Obiena ang gintong medalya sa Asian Games na idaraos sa susunod na taon sa Hangzhou, China.
Hawak na ni Obiena ang record sa Southeast Asian Games na naitala nito noong 2019 edisyon na ginanap sa Capas, Tarlac. Ngunit hindi pa kuntento si Obiena.
Pakay nitong makuha ang ginto sa Asian Games kasabay ng pagwasak sa Asian record sa naturang quadrennial meet.
Abot-kamay na ito ni Obiena matapos magtala ng bagong Asian record na 5.93 metro sa kanyang gold-medal performance sa 2021 Golden Roof Challenge sa Innsbruck, Austria kamakailan.
Binasag ni Obiena ang 5.92 metro na dating Asian record ni two-time Olympian at 1997 Paris World Indoor titlist Igor Potapovich ng Kazakhstan na naitala nito noon pang Hunyo 13, 1992 sa Dijon, France.
Alam ng mga magulang nitong sina Emerson at Jeanette na matinding laban ang kanyang haharapin sa Asian Games lalo pa’t nariyan ang mga pambato ng host China, Japan, South Korea at Kazakhstan.
“We’re hoping. It will be a good fight sa competition kase dikit-dikit ang lahat and definitely it’s a good one,” ani Jeanette sa lingguhang TOPS Usapang Sports on Air.
- Latest