MANILA, Philippines — Itinakda ang malakihang Predator World 10-Ball Championships sa Marso ng 2022 sa Las Vegas, Nevada.
Ngunit makakasabay nito ang 2022 Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa Marso 10-20 sa Thailand na lalahukan ng Pilipinas, ayon kay 2021 US Open 9-Ball champion Carlo Biado.
“Sa tingin ko, alam ko kasabay yata ng AIMAG iyong World 10-Ball eh,” ani Biado. “So puwedeng hindi ko masalihan iyong (World) 10-Ball kasi siyempre, mas priority natin iyong AIMAG dahil nasa Philippine team tayo eh.”
Sa 2022 AIMAG ay nakalatag ang men’s at women’s 9-ball events.
“We are allowed only two players each in men and women’s 9-ball,” wika ni Billiards and Sports Confederation of the Philippines (BSCP) Secretary-General Robert Mananquil. “Alam ni Carlo iyan na magkakaroon ng elimination iyan, although with his record now, tingnan natin.”
Sa nakaraang US Open 9-Ball finals sa Atlantic City ay binura ni Biado ang five-rack deficit para resbakan si Singaporean Aloysius Yapp, 13-8, at tapusin ang 27-taong pagkauhaw ng Pinas sa nasabing korona.
Bukod sa 2022 AIMAG ay lalahok din ang 37-anyos na tubong La Union sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Binigyan kamakailan ng SEAG Federation ang Vietnam ng hanggang Oktubre para magdesisyon kung itutuloy o kakanselahin ang pagdaraos nila ng biennial event.