Congressional Medal of Excellence iginawad kay Diaz
MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagbigay ang House of Representatives ng Congressional Medal of Excellence.
Ito ang iginawad ng Kongreso kay national weightlifter Hidilyn Diaz na tumapos sa 97-taong paghihintay ng Pilipinas para sa kauna-unahang Olympic Games gold medal nang manalo sa Tokyo Games.
Nang buhatin ni Diaz ang silver medal noong 2016 Rio de Janeiro Olympics ay iginawad ng Kongreso sa tubong Zamboanga City ang Congressional Medal of Distinction.
Ang nasabing medalya ang ibinigay naman kina Tokyo Olympics silver medal winners Nesthy Petecio, Carlo Paalam at bronze medalist Eumir Felix Marcial.
Ang Congressional Medal of Distinction ay ibinibigay sa mga Filipino achievers sa sports, business, medicine, science at iba pang larangan.
“You have shown the world what Filipinos can achieve, despite facing the most difficult of circumstances,” ani House Speaker Lord Allan Velasco sa apat na Olympic medalists.
Binigyan din sina Diaz, Petecio, Paalam at Marcial pati na ang kanilang mga coaches ng cash incentives na galing sa “pass the hat” drive ni Velasco.
Samantala, binigyan ng Kongreso si 1996 Atlanta Olympics silver medalist Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Jr. ng cash incentives.
Sa kanyang pagbabalik sa bansa matapos ang Atlanta Games ay pinangakuan si Velasco ng ilang miyembro ng Kongreso ng cash incentives na P2.5 milyon na hindi niya nakolekta sa paglipas ng panahon.
- Latest