Orcollo, Chua kumikikig pa sa US Open 9-Ball

MANILA, Philippines — Patuloy ang matikas na ratsada ng Pinoy cue masters matapos umusad sa fifth round sina dating world champion Dennis Orcollo at Johann Chua makaraang magtala ng dalawang sunod na panalo sa 2021 US Open 9-Ball Pool Championship na ginaganap sa Harrah’s Resort sa Atlantic City.

Hindi nag-aksaya ng sandali si Orcollo nang ilampaso nito sina Corey Deuel ng Amerika (11-1) sa third round at Alex Kazakis ng Greece (11-3) sa fourth round para umabante sa susunod na yugto ng torneong may nakalaang $50,000 para sa magkakampeon.

Maganda rin ang laro ni Chua na namayani kina Christopher Lawson ng Amerika (11-5) sa third round at Pijus Labutis ng Lithuania (11-6) sa fourth round.

Haharapin ni Orcollo si Oliver Szolnoki ng Hungary habang titipanin ni Chua si Mieszko Fortunski ng Poland sa kani-kanyang fifth-round matches.

Bigo naman ang iba pang Pinoy cue masters na isa-isang yumuko sa kanilang mga laban para mahulog sa mas mahirap na losers’ bracket.

Talo si Carlo Biado kay David Alcaide ng Spain (5-11) habang tumupi rin sina Roberto Gomez laban kay Fedor Gorst ng Russia (6-11) at Filipino-Canadian Alex Pagulayan kontra naman kay Toh Lian Han ng Singapore (8-11).

Makakasama nina Biado, Gomez at Pagulayan sa losers’ bracket sina Roland Garcia, Jeffrey De Luna, Jeffrey Ignacio, James Aranas at Warren Kiamco.

Sa losers’ column, kailangang maipanalo ang huling mga susunod na laban upang manatiling buhay ang kanilang pag-asang umabante.

Nagpapatupad ang torneo ng double-elimination format kung saan ang sinumang magtatamo ng dalawang kabiguan ay awtomatikong masisibak sa kontensiyon.

Show comments