Barroga pasok sa Lady Realtors

MANILA, Philippines — Itinalaga ng Sta. Lucia Realtors si veteran mentor Edgar Barroga bilang bagong head coach ng Lady Realtors sa pagsabak nito sa susunod na kumperensiya ng Premier Volleyball League (PVL).

Pinalitan ni Barroga si Eddison Orcullo na siyang humawak sa Lady Realtors simula noong 2020 hanggang sa katatapos na PVL Open Conference sa Bacarra, Ilocos Norte.

Masaya si Barroga sa bagong oportunidad at umaasa ito na matutulu­ngan ang Lady Realtors sa kampanya nito sa PVL.

Inihahanda na ni Barroga ang programa nito para sa team at excited na itong makasalamuha ang lahat ng players.

“Nagplano na agad ako for the team and I’m just so thankful to the management,” ani Barroga.

Malalim ang karanasan ni Barroga.

Naging head coach ito ng Cignal HD Spikers sa Philippine Superliga mula 2018 hanggang 2020.

Subalit nilisan nito ang HD Spikers kung saan naging kapalit si Shaq Delos Santos.

Umaasa ang Sta. Lucia management na matutulungan ni Barroga ang Lady Realtors na umangat sa PVL.

Nagtapos sa ikalimang puwesto ang Lady Realtors sa Open Conference.

Show comments