Kai ensayo agad sa Australia

MANILA, Philippines — Todo kayod na si Kai Sotto kasama ang A­delaide 36ers para paghandaan ang pagsabak ng tropa sa National Basketball League (NBL) Australia na magsisimula sa Nobyembre 18.

Ilang larawan ang nagsulputan sa social media kung saan nakasalamuha na ni Sotto ang ilang staff ng 36ers.

Simula nang dumating ito sa Australia, sumailalim muna sa ilang linggong quarantine protocol si Sotto bago tuluyang makasama ang kanyang tropa.

Kaya naman agad na sumalang sa training ang 7-foot-3 Gilas Pilipinas standout para pagpagin ang pangangalawang nito sa ilang linggong qua­rantine.

Bago tumulak sa Australia, nagkaroon ng pagkakataon si Sotto na ma­kabonding ang kanyang pamilya at ilang kamag-anak sa Maynila.

Nagawa pa nitong makapag-relax sa Boracay upang sulitin ang ilang linggong bakasyon bago sumabak sa matinding training camp sa Adelaide.

Maagang nagtungo si Sotto sa Australia upang makabuo ng solidong chemistry sa kanyang mga teammates.

Kasama ni Sotto sa 36ers ang kapwa baguhang sina Emmanuel Malou, Dusty Hannahs at Todd Withers at mga beteranong sina Daniel Johnson, Isaac Humphries, Mitch McCarron, Mojave King, Sunday Dech at Tad Dufelmeier.

Daraan ang 36ers sa ilang pre-season tuneup games at tournaments bago simulan ang kampanya sa NBL Australia.

Show comments