MANILA, Philippines — Tututukan naman ni People’s Champion Manny Pacquiao ang personal nitong buhay matapos ang masaklap na kabiguan kay WBA welterweight champion Yordenis Ugas kahapon sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
Bukod sa kanyang pamilya, nais ng eight-division world champion na pag-isipan ng husto ang kanyang mga susunod na plano sa kanyang buhay pulitika.
Sa pagtatapos ng laban, tinanong si Pacquiao kung tatakbo ito sa presidential race sa 2022 national elections.
Walang ibinigay na solidong sagot si Pacquiao.
Sa halip, nais nitong maglabas ng official statement sa susunod na buwan kung itutuloy nito ang usap-usapang pagtakbo bilang pangulo ng bansa.
“Will make announcement next month, am facing bigger problem more difficult work than boxing,” ani Pacquiao.
Nasa puso na ni Pacquiao ang public service.
Sa mga nakalipas na buwan, may mga programa ito para tulungan ang mga mahihirap partikular na ang mga naapektuhan ng pandemya.
“You know I want to help the people,” ani Pacquiao.
Sa ngayon, nais muna ni Pacquiao na makapagpahinga matapos ang pukpukang 12-round fight kasama pa ang ilang buwan na paghahanda para sa laban.
Lumasap si Pacquiao ng unanimous decision loss kay Ugas upang mabigong mabawi ang WBA belt.