MANILA, Philippines — Tiwala si Atlanta Olympics silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco na mananalo ng gintong medalya ang boxing team sa 2024 Paris Olympics.
Nasaksihan ni Velasco ang matikas na ipinamalas ng boxing team sa katatapos na Tokyo Olympics kung saan humakot ang tropa ng dalawang pilak mula kina Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at isang tanso galing kay Eumir Felix Marcial.
Dahil sa tikas ng Pinoy boxers sa Tokyo Olympics, alam ni Velasco na abot-kamay na ang ginto sa boxing na inaasahang maisasakatuparan sa Paris Games.
“Ito na ata ang hudyat na sa susunod na Olympics, maka-gold na tayo,” ani Velasco sa programang Power and Play.
Malaki ang panghihinayang ni Velasco kay Petecio.
Natalo si Petecio sa finals ng women’s featherweight division laban kay Sena Irie ng Japan.
“Sa akin si Nesthy. Kasi malaki talaga ‘yung chance niya sana doon mag-gold kung hindi lang Japan ‘yung nakalaban niya. Siguro baka nanalo siya doon,” ani Velasco.
Tinukoy din ni Velasco ang laban ni Marcial na natalo naman kay Oleksandr Khyzniak ng Ukrane sa semis.
“Naghinayang din ako kay Marcial kasi kung nalusutan niya ‘yun (Khyzniak). Although marami naman siyang malakas na kalaban, sa tingin ko baka nakaya niya. Kasi parang napagod siya roon sa last round eh,” ani Velasco.
Umaasa si Velasco na magtutuluy-tuloy ang magandang performance ng boxing team sa mga international tournaments.