MANILA, Philippines — Ipinangako ng anim na miyembro ng Team Philippines na ibibigay ang lahat ng kanilang makakaya para makamit ang kauna-unahang gold medal sa Paralympic Games.
Sasabak sina powerlifter Achelle Guion (powerlifting), taekwondo jin Allain Ganapin (taekwondo), Jerrold Mangliwan at Jeanette Aceveda (athletics), Ernie Gawilan at Gary Bejino (swimming) sa Paralympics sa Tokyo, Japan sa Agosto 24 hanggang Setyembre 5.
“Talagang ibibigay po namin ang lahat ng aming makakaya,” sabi ni Mangliwan, tatayong flag bearer sa opening ceremony, kahapon sa People Sports Conversations program ng Philippine Sports Commission (PSC).
Nakatakdang bumiyahe ang national paralympics team sa Agosto 22 sa paglahok sa sporting event para sa mga differently-abled athletes.
Si Pinay powerlifter Adeline Dumapong ang unang nagbigay sa bansa ng Paralympic medal matapos angkinin ang bronze medal sa women’s 82.5kg. class noong 2000 edition sa Sydney, Australia.
Hindi pa nanalo ng gold medal ang bansa sa Paralympics mula nang sumali noong 1988 sa Seoul, South Korea.
Para lalo pang bigyan ng motibasyon ang anim na Paralympians ay nagbigay ang PSC sa kanila ng tig-P150,000 bilang travel allowance.
Bukod sa cash incentives sa PSC ay nangako rin si MVP Sports Foundation (MVPSF) chairman Manny V. Pangilinan na magbibigay ng P5 milyon para sa Paralympic gold, P2 milyon sa silver at P500,000 sa bronze.