Basilan nakauna sa Finals series

MANILA, Philippines — Tuloy ang mainit na ratsada ng Basilan nang kubrahin nito ang impresibong 94-67 panalo laban sa Mandaue sa Game 1 ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup best-of-five cham­pionship series sa Pagadian City Gymnasium sa Zam­boanga del Sur.

Bida si Mindanao Leg Finals MVP Chris Bitoon na bumanat ng 19 puntos, tatlong assists at dalawang steals para buhatin ang Peace Riders sa 1-0 bentahe sa serye.

“Noong first half, we couldn’t pull away kasi on some plays disorganized kami sa executions. Sinabihan ko lang sila na just follow the pattern sa executions at mas tigasan pa ang depensa,” ani Basilan head coach Jerson Cabiltes.

Nakakuha naman si Jong Baloria ng 13 mar­kers, pitong rebounds at tatlong assists samantalang nagdagdag si Michael Mabulac ng 11 points at anim na boards para sa Peace Riders.

Nanguna sa panig ng Mandaue si Steve Castro na umiskor ng 18 puntos, limang rebounds at dalawang assists.

Show comments