MANILA, Philippines — Iginupo ng nagdedepensang Creamline ang PetroGazz, 27-25, 25-22, 25-16, upang masungkit ang unang tiket sa finals sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kahapon sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Naasahan ng husto ng Cool Smashers si Tots Carlos na siyang gumawa ng mga krusyal na puntos para dalhin ang kanilang tropa sa panalo.
Nag-ambag din sina Alyssa Valdez at Jema Galanza upang suportahan ang solidong laro ni Carlos.
Tinapos ng Cool Smashers ang best-of-three semifinals sa 2-0 matapos makuha ang pahirapang 27-29, 25-23, 16-25, 25-17, 16-14 panalo sa Game 1 noong Linggo.
Samantala, hindi pa tapos ang laban para sa Chery Tiggo nang resbakan nito ang Choco Mucho sa pamamagitan ng matamis na sweep, 25-18, 25-22, 26-24, upang maipuwersa ang do-or-die game.
Gaya ng inaasahan, muling nasandalan ng Crossovers ang Santiago sisters na sina Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat para buhatin ang kanilang tropa sa 1-1 baraha sa best-of-three semifinals series kontra Flying Titans.
Muling maghaharap ang Chery Tiggo at Choco Mucho ngayong hapon para sa karapatang makapasok sa best-of-three championship series.