^

PSN Palaro

Palasyo namuhunan daw sa mga atleta sa kabila ng bilyones na kaltas sa PSC budget

James Relativo - Philstar.com
Palasyo namuhunan daw sa mga atleta sa kabila ng bilyones na kaltas sa PSC budget
Team Philippines ends its journey at the 2020 Tokyo Olympics with a record-breaking four medals.
AFP

MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ng Malacañang ang "matinding investment" ng gobyerno sa mga atleta na nagdulot sa pagkakapanalo ng apat na medalya sa 2020 Tokyo Olympics, sa kabila ng bilyun-bilyong budget cut sa Philippine Sports Commission at mga atletang nagrereklamo ng kulang na pondo.

Matatandaang nakapag-uwi ng ginto ang weightlifter na si Hidilyn Diaz, pilak ang mga boksingerong sina Carlo Paalam at Nesthy Petecio at bronze ang Pinoy boxer na si Eumir Marcial sa katatapos lang na Olympiada.

"Hindi coincidence na we had the best ever performance in the Olympics, including our first gold medal ever in our history under the leadership of President Rodrigo Roa Duterte," ani presidential spokesperson Harry Roque, Lunes.

"The figures will bear me out, pero talaga naman pong nagtanim at nag-invest ang ating pangulo sa ating mga atleta. Kauna-unahang panahon po, record po ang suportang pinansyal na ibinigay natin sa ating mga atleta at nakita naman natin ang naging prutas ng ganyang investment."

Milyun-milyong gantimpala, bahay at lupa at iba pang pribilehiyo ang ibibigay sa apat ng gobyerno at pribadong sektor bilang pagkilala sa kanilang ambag ngayong maging best performing Southeast Asian country ang Pilipinas pagdating sa Olympics. 

Makakukuha rin sila ng "Order of Lapu-Lapu medal" kaugnay ng kanilang pagrepresenta sa Pilipinas, na ibinibigay sa mga nagbibigay ng malaking karangalan sa bansa. Ani Roque, binigyan nila ng pag-asa ang mga Pinoy sa gitna ng pandemya.

"Kaya nga po 'yan ang dahilan why the president has always believed in investing in our people, whether it be it in our athletes, in the form of universal healthcare or free tuition sa lahat ng public universities and colleges," patuloy ng tagapagsalita ni Duterte.

Usapang 'investment' sa mga atleta

Sa kabila ng pagmamalaki ni Roque sa "investment" ni Duterte para sa sektor ng sports at mga atleta, makikita ang malaking ibinaba ng pondo ng gobyerno pagdating sa Philippine Sports Commission (PSC), ang komisyong nagpopondo sa pag-eensayo, allowances, atbp. ng mga atleta.

Taong 2019 nang umabot sa P5.35 bilyon ang pondo ng PSC — kung saan malaking bahagi nito ay ginamit para sa hosting ng Southeast Asian Games.

Bilyun-bilyon ang natapyas sa pondo ng PSC pagsapit ng 2020: naging P944.96 milyon na lang. Ito'y kahit originally ay 2020 idaraos ang Tokyo Olympics, bagay na na-postpone dahil sa COVID-19 pandemic.

Tumaas ito nang bahagya para sa taong 2021 kung kailan natuloy ang Olympics. Gayunpaman, P1.3 bilyon lang ang pondong nauwi sa kamay ng PSC sa panahong ito. Kulang-kulang P4.05 bilyon ang ibinaba ng pondo ng PSC mula 2019 hanggang 2021 dahil dito.

Diaz, Marcial: Medalists na 'kulang sa pondo'

Bagama't nag-uwi ng medalya para sa Tokyo Olympics sina Diaz at Marcial, pareho silang nagkaroon ng problema sa pera bago ang pinakamalaking palaro sa larangan ng pampalakasan.

Kahit na P5.35 bilyon ang PSC budget noong 2019, matatandaang halos mamalimos na si Diaz, ang unang gold medalist ng bansa, mula sa pribadong sektor noong panahong iyon.

"[Is it] okay to ask sponsorship sa mga private companies towards Tokyo 2020? Hirap na hirap na ko, I need financial support," ani Hidilyn sa isang Instagram story noong ika-3 ng Hunyo, 2019.

"Sa tingin niyo kaya, nahihiya kasi ako pero try ko kapalan mukha ko para sa minimithi kong pangarap para sa [ating] bansa na maiuwi ang Gold Medal sa Olympics."

Hindi naman naiiba ang kwento ni Marcial, na nag-uwi ng bronze, pagdating sa problema sa pondo. Ika-12 ng Mayo ngayong taon lang nang magtungo sa Facebook ang boksingero pagdating sa "kulang" na allowance para sa paghahanda sa Olympics.

Na-bash pa nga si Marcial dahil sa kanyang paghingi ng tulong pinansyal.

"Do you think I can rely jan sa 43,000 pesos para sa plane tickets, accommodation, food, coaching staff, supplements, masseur, and etc. Lahat ng na mention sa taas provided by private sponsors and of course my own money," ani Eumir.

"Kung ganyan ang supporta at mentality niyo wag kayong mag hangad ng gold sa Olympics!!! Ngayon ang tanong ko sa sarili ko at tanong ko din sa inyo mahihina ba kameng mga Pilipinong atleta kung bakit hanggang ngayon walang nakakakuha ng gold sa Olympics o sadjang may problema na ang pag supporta galing sa inyo?!"

 

2020 TOKYO OLYMPICS

EUMIR MARCIAL

HARRY ROQUE

HIDILYN DIAZ

RODRIGO DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with