Saso umangat sa 20th place
TOKYO — Mula sa malamyang first at second round ay nagtala si 2021 US Women’s Open champion Yuka Saso ng isang four-under 67 sa third round para makasama sa leaderboard sa Tokyo Olympics women’s golf kahapon sa Kasumigaseki Country Club.
Tumabla ang 20-anyos na si Saso sa 20th place kasama ang apat pang golfers sa kanyang four-under 209 at 11 strokes ang agwat sa nangungunang si American Nelly Korda.
Pumalo si Korda ng 69 para sa kanyang 15-under 198 total sa pagtatapos ng kompetisyon ngayong araw.
Nagpagulong ang Fil-Japanese ng limang birdies kasama ang dalawa sa 8th at 9th holes habang may isang bogey siya sa 10th.
Ang nasabing birdie-birdie finish ng 2018 Asian Games double gold medalist ang nag-alis sa kanya mula sa joint 34th para makisosyo sa 20th place buhat sa four-under 209.
Nasa ikalawang puwesto si Indian Aditi Ashok sa kanyang 12-under 201.
Humataw naman si Bianca Pagdanganan ng 71 - para sumosyo sa 29th place kasama ang dalawa pang golfers.
- Latest