MANILA, Philippines — Ang silver medal ni lady boxer Nesthy Petecio sa Tokyo Olympic Games ay may katapat na P17 milyon.
Ito ang inaasahang matatangap na cash incentives ni Petecio base sa Republic Act 10699 o ang Expanded Incentives Act at sa mga negosyanteng sina Manny V. Pangilinan at Ramon S. Ang at Deputy Speaker Mikee Romero.
Nakasaad sa RA 10699 na ang Olympic gold medalist ay bibigyan ng insentibong P10 milyon, ang silver ay P5 milyon at P2 milyon sa bronze.
Ang nasabing cash incentives na magmumula sa Philippine Sports Commission (PSC) ay tinapatan nina Pangilinan ng MVP Sports Foundation at Ang ng San Miguel Corporation habang P2 milyon ang ibibigay ni Romero sa silver medalist.
Matapos ang kabiguan kay Japanese Sena Irie sa finals ng women’s featherweight division ay kaagad binati ni Olympic gold medalist Hidilyn Diaz si Petecio sa pamamagitan ng isang video message sa Facebook.
“Hi Nesthy, congratulations! I know na ginawa mo lahat, and silver medal, additional medal yun sa atin. Pero alam mo, para sa puso ko, at sa puso ng bawat Pilipino, ikaw ang panalo,” sabi ng weightlifter kay Petecio.
Bukod sa cash incentives ay tatanggap din ang tubong Sta. Cruz, Davao del Sur fighter ng condominium unit mula sa Megaworld Corp. sa Lanang, Davao City at isang house and lot sa Candelaria, Quezon galing sa Ovialand na nagkakahalaga ng P10 milyon at P2.5 milyon, ayon sa pagkakasunod.