PetroGazz sinibak ang BaliPure

MANILA, Philippines — Napigilan ng PetroGazz ang malakas na puwersang inilatag ng BaliPure tungo sa 25-20, 26-24, 25-23 panalo para makalapit sa semis spot ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kahapon sa PCV Socio-Civic Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.

Sa katunayan, lamang ang BaliPure sa attacks (38-31) at blocks (10-8) subalit dinomina ng PetroGazz sa service area (9-2).

Malaking balakid pa para sa Water Defenders ang 28 errors na nagawa nito na lubos na nagpahirap sa kanilang laban.

Binanderahan ni out­­side hitter Grethcel Soltones ang atake ng Gazz Angels upang umabante sa 5-2 rekord.

Sumosyo ang Petro­Gazz sa ikatlong puwesto kasama ang Chery Tiggo na may parehong 5-2 kartada.

“Ready talaga sila (BaliPure) yung fast game nila kumakapit, high percen­tage yung mga wing nila. On our part, tinake advantage yung opportunity na mabigyan ng playing time yung iba para at the same time yung ibang players na makalaro,” ani PetroGazz head coach Arnold Laniog.

Nagtala si Soltones ng kabuuang 14 puntos mula sa siyam na attacks, apat na aces at isang blocks kalakip ang 10 digs para sa Gazz Angels.

Tumulong si Ria Me­neses na may walong puntos kabilang ang apat na blocks habang nagdag­dag sina Myla Pablo at Jerrili Malabanan ng tig-pitong hits.

Tuluyan nang nasibak ang Water Defenders na nahulog sa 2-5 baraha.

Nagrehistro si Graze Bombita ng 18 puntos habang nag-ambag si Satriani Espiritu ng 10 markers sa panig ng BaliPure.

Show comments