MANILA, Philippines — Siguradong makapag-uuwi ng medalya mula sa 2020 Tokyo Olympics ang isa pang Pinoy na atleta — sa pagkakataong ito, sa larangan ulit ng boksing.
Natalo kasi ng Pinoy boxer na si Carlo Paalam ang reigning Olympic champion na si Shakhobidin Zoirov (Uzbekistan), dahilan para dumiretso siya sa semifinals sa Huwebes. Dahil dito, bronze ang pinakamababang pwedeng makuha ni Paalam.
'Di sadyang nagkaumpugan sila ni Zoirov habang nasa quarterfinals, pero okey lang daw 'yan, matigas naman daw ang ulo niya na isa sa mga dahilan kung bakit ihininto ang laban.
"Umi-istraight ako ng tiyan eh kasi tinatarget ko yung body niya. Kasi magaling siya sa ulo magmove," sabi niya sa panayam ng One Sports pagkatapos ng bakbakan.
"So [yung katawan] yung part na suntukin ko, ayun nagkasalungat kami. Kasi umi-straight din siya... Matigas lang talaga ulo ko nasugatan siya sa ulo."
Parehong duguan ang dalawa matapos ang accidental headbutt.
Kahit itinigil ang laban at may 1:16 pang natitira noong round two, sapat ang puntos na naibigay sa kanya ng apat na hurado para maipanalo ang laban.
???????? Carlo Paalam can't contain his emotions after his quarter-final win in #boxing - men's fly 48-52kg at #Tokyo2020
— #Tokyo2020 (@Tokyo2020) August 3, 2021
What a moment.#UnitedByEmotion pic.twitter.com/FKEtja4T54
Dahil dito, sigurado na ang apat na medalya ng Pilipinas sa Olympics ngayong 2021 — ang pinakamarami sa kasaysayan simula nang sumali ito noong 1924.
Tatlo sa mga siguradong medalyang maiuuwi ng Pilipinas ay manggagaling mula sa boksing.
Kakaharapin naman ni Paalam si Ryomei Tanaka ng Japan sa Huwebes para sa semifinal set, sa pag-asang makapag-uuwi ng pilak o ginto. — James Relativo at may mga ulat mula kay Luia Morales at One Sports