MANILA, Philippines — Animo'y mataas na pangarap at malalim na panaginip subalit kapara ng ating tuwinang paghintay sa bawat bukas, anumang unos ang nagdaan sa nakalipas na gabi, hindi kailanman nawala ang pag-asang sisikat din ang bagong araw — dala ang palagi't muling pag-asa.
Halos isang siglo ang nagdaan. At walang katapusang siklo ng panaghoy at dasal bago sa wakas sumibol at umangat mula sa kaibuturan ng karagatan ang Perlas ng Silangan.
Hindi madali ang naging paghihintay. At lalong hindi magaan.
May isang Hidilyn Diaz na kumarga sa buong Pilipinas tungo sa kauna-unahang gintong medalya nito sa pinakamalaking tanghalan ng palakasan — matapos ang 97 na taon.
Bitbit ng tadhana. Buhat ng pananampalataya. Pilipinas, Olympics, gintong medalya: mga katagang ni sa hinagap ay hindi inakalang magsasama sa isang pangungusap. Kahit sa tanang buhay ng ating mga lolo't lola.
Isang tala ng makasaysayang tagumpay para sa Perlas (at ginintuang) Silangan
Kasabay ng poetikong pagpingki ng liwanag mula sa tinatawag na "Land of the Rising Sun", ang Perlas ay naging Ginintuang Silangan — maningas, makislap, maningning — sa wakas, kahit minsan lamang.
Hulyo 26, 2021 iyon sa Tokyo, Japan halos 2,000 milya ang layo sa Maynila. Malawak, malalim na karagatan at walang dulong himpapawid ang pagitan.
Dito'y walang puknat ang patak ng ulan, hindi akalain ng milyon-milyong Pilipino na sa parehong gabi ay magaganap din ang makasaysayang pagbaha ng luha.
Ang halos sandantaong paghihintay ngayon ay nakasalalay na sa ilang segundo — at sa dalawang kamay at balikat ni Diaz. Walang kasiguruhan.
Iyong tipong kung matalo't kapusin ulit tulad ng dati, "Ayos lang, sanay naman na tayo, bawi sa susunod," pero may halong pag-asa, kahit katiting lang, na "Panginoon, pagbigyan nyo na po kami, sana ito na po 'yun."
Sana ito na po.
Nag-martsa si Diaz papunta sa entablado, kung saan kailangan niyang gawin ang hindi niya pa natatangkang magawa sa kanyang buong buhay.
Kailangan, at dapat, na kumarga ni Diaz ng 127 kilograms upang magwagi. Hindi pa siya nakaka-buhat ng ganoon kabigat sa kanyang buong karera ng weightlifting.
Llamado ang world champion na si Liao Qiuyun ng China para sa ginto ng women's weightlifting 55-kg division hawak ang kabuuang 223-kilogram lift sa parehong snatch (99) at clean and jerk (124) papasok sa huling subok ni Diaz, na sumikwat ng 97 kilograms sa snatch.
127 kilo. Para sa kabuuang 224 tala.
Para sa kasaysayan.
Para sa Pilipinas.
Para sa ginto.
Kung mabitbit ni Diaz ito, tapos ang boxing, este ang weightlifting. Kung hindi, mapapalawig hanggang 101 taon sa 2024 Paris Olympics ang matagal na pag-asam ng gintong medalya.
Palyado, puno ng paltos at sugatan ang kamay ay umakyat si Diaz sa entamblado — matikas ang tindig, kumpyansa, buo ang puso, walang maski ga-hiblang takot, pangamba at duda.
Subalit kalmado siya, ng tiwala, ng dasal at ng pananampalataya — sa kabila ng lahat ng tensyon.
"Faith din eh. Faith kay God, sa sarili ko at sa lahat ng Pilipinong sumusuporta sa likod ko," aniya.
"Nawala yung takot ko dahil sa dasal ng mga Pilipino."
Suot ang bughaw na uniporme, yumuko si Diaz na waring paglingon sa mahabang panahong paghihintay para sa pambihirang tsansang ito, at tsaka sinikwat ang pulang barbell.
Huminga siya nang malalim. Bumuwelo tsaka ito buong puwersang kinarga sa balikat. Muling lumuhod at itinaas ang ilang daang kilong bigat sa dalawang kamay. Clean, then jerk.
Dramatiko. Larawan ng lakas. Waring bitbit ang buong bansa. Tumunog ang hudyat. Tumulo ang kanyang mga luha.
Ginto para kay Diaz sahog pa ang Olympic record. Ginto para sa Pilipinas, sa wakas.
Sa kabuuuan, 16 segundo ang tinagal ng kanyang huling bira, subalit ang ang kapalit ay matamis na wakas ng sandantaong paghihintay.
Bughaw na uniporme, pulang barbell, gintong medalya.
Bughaw. Pula. Ginto.
Poetiko.
Maluha-luha, sumaludo si Diaz, na isang Philippine Air Force sargeant, sa pag-angat ng bandila ng Pilipinas sa Tokyo International Forum sa saliw ng Lupang Hinirang.
"Ang kislap ng watawat mo'y tagumpay na nagningning.
Ang bituin at araw niya kailan pa ma'y di magdidilim."
Walang pagsidlan ng emosyon si Diaz, hindi napagtantong may kasama siyang umaawit -- milyon-milyon ding lumuluha sa tuwa, kinikilabutan, taas-noo, kamay sa dibdib at sabay na humihikbi't nagmamalaki.
"Lupa ng araw, ng luwalhati't pagsinta. Buhay ay langit sa piling mo."
Ang aming ligaya ay ang mabuhay, lumaban at manalo nang dahil sayo.
Sa pagkakataong iyon, hindi lang pala ilang daan kilo ang nabuhat ni Diaz.
Sa isang pambihirang saglit, nakarga niya ang buong bansa.
"Kung ako lang, hindi ko magagawa ito na parang imposible," saad niya.
Mula sa isang munting paslit na may malaking pangarap sa simpleng bayan ng Mampang, Zamboanga City, ilang taon ang ginugol ni Diaz bago narating ang taluktok ng pangmundong palakasan.
Halos kulelat siya noong 2008 Beijing Olympics, hindi nakatapos noong 2012 London bago magwagi ng pilak sa 2016 Rio De Janeiro.
Sa gitna ng paglalakbay na iyon ay sangkatutak na dugo't pawis, pagod, sakripisyo, dedikasyon at panahong malayo sa pamilya.
Sahog noon ay hindi mabilang na mga dasal at kahilingan.
Taong 1924 pa unang sumali ang Pinas sa Olympics. Taong 2021, tsaka pa lang tayo nanalo ng gintong medalya ngayong Tokyo Olympics.
Halos sandantaon.
Biruin mo, siyamnapu’t pitong taon. Halos sampung dekada.
Sa kabuuan, 35,405 na araw, 849,720 na oras, 50,983,200 na minuto at 3,058,992,000 na segundo.
Ilang atleta ang sumubok. Ilang daang bagyo ang dumaan. Ilang pighati ang naranasan.
Sumatutal, mistulang habangbuhay. Hindi madali ang naging paghihintay.
Lalong hindi magaan. Naging matarik ang daan.
Malubak. Makitid. Masukal. Maputik.
Mainit. Maulan. Ngunit hindi imposible.
Kay Hidilyn, posible.
Si Hidilyn Diaz ang ating unang Olympic gold medalist.
Itatayo ang mga monumento at estatwa sa ngalan nya. Ilalathala't itatampok ang kanyang buhay at kwento sa mga dyaryo, libro at pelikula.
Subalit kagaya ng nakaukit sa tatlong bituin at isang araw gaano man ulit maging katagal ang paghihintay..
Hindi siya ang magiging huli.
"Pangarap ko sa weightlifting, sana may hihigit pa sa akin," ngiti niya.