TOKYO — Umasa si Pinay flyweight Irish Magno na ang isang Olympic medal ang magiging regalo niya sa kanyang ika-30 kaarawan.
Ngunit hindi ito nangyari.
Pero hindi siya nagmukmok dahil sa kanyang pagkatalo, nagsisi o umiyak man lang.
Nangako ang tubong Janiuay, Iloilo na itutuloy ang kanyang pagsuntok sa pangarap na Olympic gold medal.
“Tuluy-tuloy pa rin ako. Hangga’t walang ginto, hindi po tayo susuko. Tuloy lang ang laban,” sabi ni Magno matapos mabigo kay Jutamas Jitpong ng Thailand sa round-of-16 fight kahapon sa Kokugigan Arena.
Sa duwelo ng dalawang boksingerong sabay na nagsanay sa isang Thai camp ay mas nangibabaw si Jitpong para sibakin si Magno na bumawas sa puwersa ng Philippine boxing team sa Tokyo Games.
Wala nang idinahilan si Magno, nanalo ng dalawang silver at isang bronze medal sa paglahok sa mga Southeast Asian Games.
“Ang Olympics po ay hindi basta-basta, lahat naghahanda dahil gustong makamit ang medalya, kaya ibinubuhos lahat,” ani Magno.