TOKYO — Puwede pang tumapos si Pinoy rower Cris Nievarez sa 19th hanggang 24th place sa men’s single sculls ng Olympic rowing competition.
Ito ay matapos siyang magtala ng oras na 7:26.05 para pumuwesto sa fifth place patungo sa Finals D na magdedetermina ng kanyang final ranking kahapon sa Sea Forest Waterway.
Bbibitawan ang final race ngayong alas-7:35 ng umaga kung saan malalaman ng 2019 Philippine Southeast Asian Games gold medalist ang kanyang overall ranking.
Sa heat ay nagtala ang tubong Atimonan, Quezon ng 7:22.97 at 7:50.74 sa quarterfinals.
Ang 21-anyos na si Nievarez ang unang Pinoy rower na umabante sa quarterfinals ng Olympics rowing event na hindi nagawa nina Benjamin Tolentino (2000) at Ed Maerina (1988).