MANILA, Philippines (Update 1, 11:17 a.m. ) — Maliban sa gintong medalya, limpak-limpak na salapi at iba pang gantimpala ang nag-aantay sa Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz pag-uwi niya mula Pilipinas.
Ika-26 ng Hulyo nang mapalanunan ng weightlifter ang gintong medalya mula sa 2021 Tokyo Olympics — ang una ng Pilipinas simula nang sumali ito noong 1924.
Related Stories
Alinsunod sa batas, makatatanggap ng P10 milyon si Hidilyn mula sa gobyerno matapos manaig sa women's 55kg catagory nitong Lunes.
Tig-10 milyon din ang makukuha niya mula sa mga dambuhalang negosyante na sina Manny V. Pangilinan ng PLDT at Ramon Ang ng San Miguel, maliban pa sa P3 milyong cash prize mula kay 1-Pacman party-list Rep. Mikey Romero.
Makakakuha rin ng karagdagang P2.5 milyon si Diaz mula sa lokal na pamahalaan ng Zamboanga, dahilan para lumobo ang kanyang total cash prize sa P35.5 milyon.
Makatatanggap din ng bahay at lupa ang Filipina Olympic hero sa Tagaytay mula kay Philippine Olympic Committee president Abraham "Bambol" Tolentino. Si Tolentino ay kinatawan ng Ika-8 na Distrito ng Cavite sa Kamara.
Maliban sa pagdaig sa Tsinang si Liao Qiuyun, na-clear niya ang 127kg sa kanyang huling buhat para sa clean and jerk at nagtapos sa kabuuang bigat na 224kg, na parehong record sa Olympics.
Kakulangan ng suporta, ouster 'matrix' accusations
Bago nagtagumpay sa Tokyo Olympics, matatandaang nagmakaawa pa ng pinansyal na tulong si Hidilyn mula sa pribadong sektor para sa kanyang mga pangangailangan.
Binara siya noon ni Philippine Sports Commission chairperson Butch Ramirez at sinabing umabot sa P4.5 milyon ang ibinigay sa kanya para sa pag-eensayo sa Hainan at Guangxi sa Tsina. Maliban pa ito sa P3 milyong insentibo na ibinigay sa kanya sa ilalim ng Republic Act 10699. Ilang observers na ang nagsabing kulang ang tulong na ito.
Mayo 2019 lang din nang idiin si Hidilyn sa "ouster plot matrix" ng Malacañang dahil sa pakikipagkuntyaba niya diumano para pabagsakin si Pangulong Rodrigo Duterte. Walang batayan ang akusasyon at wala itong pinatunguhan. — James Relativo at may mga ulat mula kina Dino Maragay at Luisa Morales