MANILA, Philippines — Hindi rin pahuhuli ang Petra Cement-Roxas na nagtala ng 113-87 demolisyon sa MisOr upang masikwat ang ikaapat na sunod na panalo sa 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup na ginaganap sa Pagadian City Gymnasium sa Pagadian, Zamboanga del Sur.
Mainit na sinimulan ng Vanguards ang kamada nito matapos kunin ang 19 puntos na kalamangan sa first half, 58-39.
Nagpatuloy ang matikas na kamada ng Roxas sa second half para tuluyang nasikwat ang panalo.
Umangat sa 4-2 marka ang Vanguards sapat para sa ikaapat na puwesto.
“Sabi ko sa players na huwag sayangin ‘yung opportunity na pito lang ‘yung maglalaro sa kalaban. Kailangan namin tumakbo para from the start pa lang makaramdam na sila ng pagod,” ani Roxas head coach Eddie Laure.
Nanguna para sa Roxas si James Castro na umiskor ng 17 points, walong assists at limang rebounds samantalang nagdagdag naman si Jordan Intic ng 14 points at pitong boards.
May pinagsamang 24 puntos naman sina RJ Deles at Seraj Elmejrab.
Pitong players lamang ang naglaro para sa MisOr dahil sa injuries sa kanilang lineup.