Batang Pier nirapido ang Fuel Masters

Kumamada sina Ro­bert Bolick, Kevin Ferrer at rookie Troy Rike ng tig-20 points para banderahan ang NorthPort sa 115-79 pagmasaker sa Phoenix sa 2021 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Philstar.com/Google Street View

MANILA, Philippines — Nang makawala ang mga Batang Pier sa se­cond quarter ay hindi na sila napigilan ng mga Fuel Masters.

Kumamada sina Ro­bert Bolick, Kevin Ferrer at rookie Troy Rike ng tig-20 points para banderahan ang NorthPort sa 115-79 pagmasaker sa Phoenix sa 2021 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ito ang unang panalo ng Batang Pier matapos matalo sa Meralco noong nakaraang Biyernes.

“Masyadong disappointing iyong first game namin,” sabi ni coach Pido Jarencio. “Ang ginawa namin inayos na lang namin iyong depensa. Nag-concentrate kami sa defense.”

Bitbit ang maliit na 22-18 bentahe sa first quarter, kumawala ang Batang Pier sa second period para ibaon ang Fuel Masters sa 39-20 sa 6:31 minuto ng second period.

Mula rito ay itinala ng NorthPort ang 34-point lead, 99-65 galing sa drive ni Bolick sa 7:41 minuto ng final canto para ipalasap ang ikalawang sunod na kabiguan ng Phoenix.

Samantala, hindi na rin itutuloy ng PBA ang mga laro ng Terrafirma at TNT Tropang Giga kontra sa Rain or Shine bukas at sa Meralco sa Sabado, ayon sa pagkakasunod.

Ipinasok ang Dyip at Tropang Giga sa isolation dahil sa pinangangambahang COVID-19 case sa apat na TNT players.

Muling isasailalim sa confimatory COVID-19 tests ang apat na Tropang Giga players.

Show comments