MANILA, Philippines — Nasa paborableng posisyon ang Pilipinas sa group stage ng 21st Asian Senior Women’s Volleyball Championship na idaraos sa Pilipinas sa Agosto 29 hanggang Setyembre 4.
Sa ginanap sa drawing of lots sa Bangkok, Thailand ng Asian Volleyball Confederation (AVC), pasok ang Pinay spikers sa Pool A kasama ang ang Chinese-Taipe, Kazakhstan at Uzbekistan.
Nasa Pool B naman ang malalakas na koponang Thailand, South Korea, Iran at Australia. Hindi naman masisilayan sa aksyon ang Japan na nag-withdraw sa edisyong ito.
Ang dalawang mangungunang koponan sa Asian meet ay mabibiyayaan ng tiket para sa prestihiyosong FIVB Volleyball Women’s World Championship na gaganapin sa Netherlands at Poland sa susunod na taon.
Kaya naman puspusan na ang training ng national team sa isang bubble setup sa Laoag, Ilocos Norte upang masiguro na handang handa ito para sa torneo.
Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang hosting ng bansa ng Asian meet sa Clark at Subic.
Mismong si Presidential Spokesperson Harry Roque ang nag-anunsiyo nito.
Nilinaw ni Roque na kailangang ipatupad ang matinding health protocols sa pagdaraos nito lalo pa’t may mga natuklasan nang Delta variant ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.