MANILA, Philippines — Anim na ang pupuntirya sa kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa Paralympic Games.
Nabigyan ng tiket si para powerlifter Achelle Guion upang sumabak sa Paralympic Games sa Tokyo, Japan na nakatakda sa Agosto 24 hanggang Setyembre 5.
Ang iba pang maghahangad ng Paralympic gold ay sina Allain Ganapin (para taekwondo), Jerrold Mangliwan (para athletics), Jeanette Aceveda (para athletics), Ernie Gawilan (para swimming) at Gary Bejino (para swimming).
Inangkin ni Guion ang silver medal sa women’s 45-kilogram category noong 2018 Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia.
Solidong suporta rin ang ibibigay ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Paralympic team katulad ng 19 national athletes na sasali sa Tokyo Olympics sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Si Pinay powerlifter Adeline Dumapong ang unang nagbigay sa bansa ng Paralympic medal matapos kunin ang bronze medal sa women’s 82.5kg. class noong 2000 edition sa Sydney, Australia.
Unang sumalang ang bansa sa Paralympics noong 1988 sa Seoul, South Korea.